Martes, Oktubre 18, 2016

7:56 PM 0

Mula Sa Prinsesang Nag-iisa


Oo, isa nga ako sa kanila
Mga taong nag-mahal, nasaktan pagkatapos ay nagtayo ng bakuran.
Ninais kong pangmataglang protektahan ang aking sarili
Nilayuan ko ang lahat ng maaaring makapanakit
Umiwas ako sa lahat ng posibilidad na maaring lumago't lumaki
Pinagtataguan ko ang mga pakiramdam na 'di ko na nais pang muling maranasan
Aaminin ko nang sa totoo'y ito lang ang tangi kong gustong maramdaman
Dahil gaya nga ng iyong sinabi, nais ko ring ako'y yakapin
Na ang emosyon ang pinakamagandang regalo sa tao
Na kahit madalas ito ma'y kalakip ang sakit,
Matapos ang aking pagpikit ay may kasiyahang kapalit.

Sabi mo'y hindi mali ang matakot
Na hindi mali ang mag-tayo ng kastilyo na malayo sa mga delubyo
Muli ay aaminin ko'ng matapos ang paglagay ko sa huling bloke
Ng paraisong itinayo ko para sa aking sarili...
Wala ako ni isang giyera'ng naipanalo.
Hindi ko nagawang lumayo sa bagyo.
Nakalimot ako na ang tadhana'y naglalakbay.
Tama ka, hindi ako nanalo noong pinilit ko'ng ilayo ang sarili ko.
Dahil ang pag-layo ay hindi pag-laban.
Na inakala ko mang naroon ang katapangan, bali-baliktarin man ang lahat,
Ang pag-takbo'y kaduwagan.



Kaya't heto na, ako'y muli nang sasama sa'yo
Bababa ako sa kastilyo kong itinayo
Upang makita ang mga ulap sa gitna ng ulan
Sasama ako'ng muli sayo'ng pag-lapit sa papalubog na araw
At aabutin natin ng sabay ang dulo nito, 'di na 'ko muling papasilaw
Hahawak ako sa iyong mga kamay habang tinatahak ang kalsadang tinakbuhan ko noon.
Kakapit ako sa'yo ng mahigpit habang nilalakbay ang tadhanang pilit ko'ng iniwasan.
Babalikan ang mga ala-alang pilit kong kinalimutan
Habang ika'y kayakap at kasabay sa bawat hapunan.
Yayakapin kong muli ang lahat ng sakit nitong kaakibat
Ako'y muling magtitiwalang 'di darating  ang araw na 'di na ikaw ang katabi sa pagmulat

Manonood tayo ng mga pelikula
Kahit 'wag na natin higitan sila Popoy at Basha,
Gumawa tayo ng bagong storya'ng tayong dalawa ang mismong bida.
Basahin natin ang lahat ng nais mong libro't lathala.
Sabay nating pagmasdan ang paglubog ng araw sa may dalampasigan,
Hanggang sa paglabas ng mga nagnining-ning na bituin at buwan.
At titingin lamang ako sa'yo, panonoorin kitang mamangha.
Wala nang ibang haharang, maging ulap man o ano pang takip sa kalangitan
Dahil ikaw na mismo ang sumangga at buong tapang na lumaban.
At sana nga, bago pa man mawala ang lahat ng mga ito ay makita ko...
Na wala sa taas ng kastilyo ang pag-ibig.


"Kahit 'wag na natin higitan sila Popoy at Basha,
Gumawa tayo ng bagong storya'ng tayong dalawa ang mismong bida."


Na ika'y nariyan lang na handa akong samahan,
Maging gaano man kahirap ang pagsubok na dumaan,
Hindi ka aalis at basta na lang akong muling iiwan.
Hindi na muli tayong dalawa'y hahantong sa hangganan
Salamat dahil ako'y iyong sinagip
Ika'y muli kong yayakapin, Pag-Ibig.



Muling magmamahal,
Prinsesang Nag-iisa.

(Photos from Gising MV - Autotelic) Inspired by "Sa Prinsesang Nag-iisa" written by Ink https://www.facebook.com/betsinarts/posts/509917045881717

Huwebes, Agosto 11, 2016

1:44 AM 0

Ayoko Sa Ulan

(C)



Ayoko sa ulan, oo, tama, ayoko sa ulan
Mga patak ng luhang mula sa kalangitan
Nagpapahiwatig; nagpapaalala
Mga alaala'ng dapat'y matagal ng wala
Sa isipa'y sumasaglit, bumabalik,
Nagpapaalala; nagpapahiwatig.

Ayoko sa ulan, oo, tama, ayoko sa ulan
Kulog na malakas at dumadagundong
Pinapaalala sakin iyong malambing na bulong,
"Wag mag-alala mahal, sakin ika'y kumapit lang
Wag kang bibitaw, kulog at kidlat,
Panigurado, sakin sila'y walang binatbat." 


Ayoko sa ulan, oo, tama, ayoko sa ulan
Lakas nito'y dulot ang putik at baha,
Panahong tayo'y magkasama pa
Ibinabalik saki'ng gunita.
Sa ula'y sabay sa pagtakbo at tampisaw
Hawak iyong kamay, parang isang sayaw.

Ayoko sa ulan, oo, tama, ayoko sa ulan
Saki'ng gunita, tag-ulan ng ako'y iniwan
Walang paalam ika'y biglang lumisan
Pangako mo'ng kailanma'y di bibitawan
Iyo'ng pinakawalan kasabay ng ulan
Ayoko sa ulan, panahong sobrang nasaktan. 



-Cxx

Lunes, Hunyo 27, 2016

4:26 AM 0

Gusto Ko Na Rin Sanang Lumaya


Gusto ko na rin na palayain siya. Gusto ko nang maka-laya sa ala-ala naming dalawa.


Oo, pagod na 'kong umiyak. 
Hindi na kinakaya ng katawan ko ang pagpigil sa pagtulog nang dahil lamang sa pag-iwas ko'ng makita ang kanyang gunita sa tuwing pinipikit ko ang aking mga mata. Nakakapagod nang magising ng alanganing oras na halos hindi maka-hinga sa pag-hikbi at pag-luha dahil ala-ala naming dalawa ang saki'ng panaginip ay nakikita.

Nais ko nang patawarin siya. Kalimutan ang lahat ng hirap at sakit at kaligtaan na minsa'y umasa ako sa mga pangako niya. Na ang sinabi niyang Walang Hanggan noon, ngayon ay natapos na. Na baka sakali nga'ng 'pag napa-tawad ko na siya'y maiintindihan ko na kung bakit may bagay na bigla na lamang mawawala sa'yo kahit ginawa mo na ang lahat ng pag-iingat wag lang may mang-yaring masama rito. O kung paanong nag-kulang ka pa sa paningin niya kahit alam mo, na para sa'yo, binigay mo na ang lahat. Na naibigay mo na ang sobra kahit hindi pa niya hinihingi ito.

Oo, pagod na 'kong bigla na lang matigilan sa gitna ng trabaho para lamang alalahanin ang sakit ng nasira niya'ng pangako. Ang mga salita niyang "Ikaw lang wala ng iba"  na ngayon ay para bang isang sumpang matagal kong pinaniwalaan. Siguro nga'y kapag napatawad ko na siya, makakapag-isip na ako ng maayos. Gaya ng dati. Gaya nung una, noong mga panahong hindi pa ako takot sa salitang pag-ibig. Noong kaya ko pang tanggapin ang lahat ng walang pag-aalinlangan. Noong kaya ko pang mag-mahal ng wala ang mga katanungang; Hanggang kailan kaya ito? Kaya ko bang masaktang muli?

Oo, pagod na 'ko sa mga kanta'ng tila bang sinulat para sa kwento naming dalawa. 
Yung bawat letra na parang sumasaksak sa dibdib ko, yung bawat pangungusap na tila bang bumubulong ng masasakit na sinabi niya, ng mga pait na naramdaman ko sa pag-iibigan naming ito. Mga ala-alang sa bawat himig ay muli kong nagugunita, kasabay ng mga kasawian ay bumabalik rin ang mga masasayang pinag-samahan. Lahat ay muli kong dinaramdam at hinihiling na sana'y muling matamasa. Gusto ko nang patawarin siya para naman sa susunod na marinig ko ang mga kantang iyon ay balewala na lamang sa akin. Na kayanin ko nang muling sabayan ang mga masasayang himig at letra.

Oo, pagod na 'kong paulit-ulit sambitin ang mga katagang: "Hanggang dito ba naman paghihintayin mo ako?" o "Buti pa dito may Forever" sa tuwing dadaan ako sa EDSA. Ayoko nang hilingin na sana pati siya hindi pa rin nakakalimot, na hindi pa rin sana siya maka-usad. Pero huli na, may bago na siya. Kaya ako ngayon yung naiwang mag-isa, nag-aabang, naghihintay. Hindi kasi siya nag-paalam, hindi niya sinabi kung bakit. Basta na lang nangyari, bigla na lang siya nawala ng walang pasabi. Gusto ko nang ibigay yung kalayaan na hinihingi niya. Gusto ko nang isama sa lahat ng usok at alikabok sa EDSA ang mga luha ko na nasayang para sa kanya. Na sa pag-usad ng daloy ng trapiko, sana kasabay na rin ang pag-usad sa lubak na kalsada ng buhay ko kasama siya.

Oo, pagod at puyat na puyat na 'kong unawain kung paanong nangyari'ng masaya na siya samantalang ako, heto, hirap na hirap at umiiyak pa rin. Heto ako'ng takot na takot na muling masaktan at hirap na hirap nang muling magtiwala. Paano nga bang yung taong pinaglaanan mo ng buong puso't kaluluwa mo'y bigla na lamang nawala sa'yo? Ano ba'ng mali? Ano nga ba'ng naging kulang? Kapag napatawad ko na siya, baka kayanin ko nang muling mag-tiwala. Mag baka-sakali at hayaan ang puso kong muling maging masaya.

Oo, pagod na 'kong bitbitin ang mga bagahe na ito ng mag-isa. Sawang-sawa na kong gumapang para lang patuloy na pasanin ang pinag-samahan naming dalawa. Hindi ko na 'to kaya'ng isalba pa. Gusto ko nang tanggapin na tapos na lahat, wala nang saysay upang magpakahirap pa ako sa pagdala ng mga bagahe'ng ito. Gusto ko nang palayain siya para maramdaman kong muli kung paanong tumakbo ng walang bigat na pinapasan. Kung paanong muling mag-lakad ng hindi inaalala na baka sa isang hakbang ako'y madapa. Gusto ko nang muling lumipad at maranasan ang tunay na saya.


Bibitawan ko na siya. Palalayain ko na ang lahat sa aming dalawa.


Alam ko na hindi magiging madali kalimutan lahat ng galit at pait na nagpabago sa buo kong pagkatao. Ang nagpaguho sa mundo ko at nagpasira ng pananaw ko sa buhay na ito. Patatawarin ko na siya dahil gusto ko na ring patawarin ang sarili ko. Mula sa lahat ng sakit na ininda ko para lamang sa pagmamahal ko sa kanya. Sa lahat ng hirap na binalewala ko mapasaya lamang siya. Lahat ng masasakit na salitang tinanggap ko wag niya lamang marinig ang sinasabi ng iba na hindi maganda. Patatawarin ko na siya upang mapatawad ko na ang sarili ko sa lahat ng bagay na aking ginawa para lang maging katulad ako ng iba. Binago ko ang lahat maging ang kung paanong mas gusto ko ang liwanag kesa sa dilim.


Handa na ako'ng mag-patawad. Palalayain ko na siya.


Hindi ko makakalimutan ang lahat. Mananatiling may pagmamahal para sa kanya dito sa aking isipan at puso, ngunit panahon na para ako'y umusad. Hindi ko na muling hahayaang bumalik ang lahat ng sakit. Sabay sa aking pag-usad ang pagtanaw sa maliwanag na daan na nagpapahiwatig na siya'y tuluyan nang magiging isang ala-ala na lamang.

Sobrang pagod ko na, patatawarin ko na siya. 
Sana sa pagpapatawad ko sa kanya'y maunawaan ko na may mga tao na sadyang darating upang maging bahagi ng aking kwento, magsulat ng masasayang ala-ala at gumuhit ng mga masasakit na larawan upang ako'y matuto. Hindi man sila ang makakasama ko sa dulo ng istorya'ng ito, mapapaunawa naman nila sakin kung gaano kahalaga ang buhay ko. Para sa aking sarili at para sa mga taong nasa paligid ko.  Pati na rin sa mga paparating na tauhan nito'ng aking kwento.

Patatawarin ko na siya. Palalayain ko na ang sarili ko.
Hahayaan ko nang Tadhana ang magpasya, maniniwala ako na mayroong nilaan sa akin ang Maykapal, isang taong nakatakda upang unti-unti at muli akong mabuo ng tunay na pagmamahal niya. Isang pag-ibig na hindi man gaya sa mala-telenobelang istorya ng iba ay tapat naman at sapat.

Patatawarin ko na siya. Lalaya na ako.


(My answer for Minsan Okay Lang Ma-traffic page's "Lumaya Ka Na")

Sabado, Hunyo 25, 2016

4:27 PM 0

Paalam, Pag-Ibig


Sabay sa pagpatak ng ulan 
Ang liwanag sa arawan
Tila isang pahiwatig
Ito'y parang pag-ibig 
Sala sa init, sala sa lamig
At sa isang maling kabig,
Mangilang salitang di mo nasambit
Pamamaalam ang kapalit


-C××

Biyernes, Hunyo 24, 2016

12:40 AM 0

I Was Your Cup Of Coffee, She Was Your Cup Of Tea



I was your cup of coffee.
I knew you needed me.
Back when you're working all night
And you had to be alright. 


I stayed during days when you wanted strength
The urge to be wide awake.
But, maybe, you got so tired
And felt that it's time to calm your heart.

She was your cup of tea,
The calm that made you happy.
You need her.
You told me you do. 


She helped you sleep during those free nights
When all you wanted was rest but you can't.
You said, I was the one to blame
And that we should now end this flame.

I was your temporary drug,
She's now your daily remedy.
I kissed you during sunsets.
Now, you embrace her as sun shines.

You looked forward to kissing me
Before you wanted her taste.
I was your good morning,
She's your good night.

You forgot that stars are more beautiful
Than morning sun rays.
That it was me, and it was us.
It was me, before her. 



-C❌❌

Linggo, Hunyo 19, 2016

10:59 PM 0

Ang Kwento Nating Dalawa



Balang araw ipagsisigawan rin kita
Sasabihin ko sa kanila 
yung tungkol sa ating dalawa
Ikukuwento ko rin yung sa'kin at sa'yo, 
ikaw at ako.
Tama, ikaw at ako lang
Kasi diba, wala namang Tayo?

"Halos Tayo", yun nga, halos tayo.
Yung andun na sana, kinapos pa.
Yung yun na sana, naudlot pa.
Masasabi ko rin sa kanila na ikaw,
Oo, ikaw, yung pag-ibig na muntik na
Yung ikaw na sana, kaso hindi pala.
Yung Ikaw. Ako. Tayo. Sana.

Balang araw ipagsisigawan ko rin na...
Oo, Siya nga.
Yung panandaliang ngiti saki'ng mga labi
Ang dahilan sa "Uy ang ganda mo"
Noong mga panahong alanganin ang mundo.
Ang naging yakap sa panandaliang malalamig na panahon.
Ang naging inspirasyon sa halos maraming pagkakataon.

Balang araw ipagsisigawan rin kita.
Sasabihin ko sa kanila na,
Alam nyo, siya yung tamang tao.
Tamang tao sa di tamang panahon.
Tamang tao sa maling pagkakataon.
Siya na sana 
Kaso, baka napa aga yung dating niya...

O, baka ako yung nahuli 
Kasi may mahal na sya.
Ang sakit diba? May mahal na sya.
May mahal na sya agad.
Agad, kasi, kelan lang naman natapos yung sa'tin.
Ay mali, yung Tayo. 
Ay, wala nga pala.

Yung ikaw at ako. 
Yung sating dalawa? 
Kailan lang naman diba?
Bakit naman kasi agad-agad?
Bakit di mo hinintay na damdamin ko man la'y masagad?
Yung tipong wala na. 
Yung ubos na. Yung tapos na.

Balang araw ipagsisigawan ko rin 
Na, ikaw na nga.
Na, kaya ko na... 
Heto na, kaya ko na nga.
Pero, teka, asan ka na? 
Bakit di mo nahintay 'tong araw na kaya ko nang ipagsigawan ka?
Bakit bigla na lang na bumitaw ka?

Bakit ka sumuko? 
Bakit ka lumayo? 
Bakit ka nagtago? 
Bakit ka umatras? 
Bakit ka umiwas?
Bakit bumitaw ka?
Balang araw sasabihin ko rin sa kanila...

Na, mahal pa rin kita.
Kahit wala ka na.
Kahit hindi na ako at ikaw.
Ipagsisigawan rin kita.
Balang araw isisigaw ko rin...
Ang kwento nating dalawa.
Na sana, hindi na lang ikaw. 

-C❌❌