Gusto ko na rin na palayain siya. Gusto ko nang maka-laya sa ala-ala naming dalawa.
Oo, pagod na 'kong umiyak.
Hindi na kinakaya ng katawan ko ang pagpigil sa pagtulog nang dahil lamang sa pag-iwas ko'ng makita ang kanyang gunita sa tuwing pinipikit ko ang aking mga mata. Nakakapagod nang magising ng alanganing oras na halos hindi maka-hinga sa pag-hikbi at pag-luha dahil ala-ala naming dalawa ang saki'ng panaginip ay nakikita.
Nais ko nang patawarin siya. Kalimutan ang lahat ng hirap at sakit at kaligtaan na minsa'y umasa ako sa mga pangako niya. Na ang sinabi niyang Walang Hanggan noon, ngayon ay natapos na. Na baka sakali nga'ng 'pag napa-tawad ko na siya'y maiintindihan ko na kung bakit may bagay na bigla na lamang mawawala sa'yo kahit ginawa mo na ang lahat ng pag-iingat wag lang may mang-yaring masama rito. O kung paanong nag-kulang ka pa sa paningin niya kahit alam mo, na para sa'yo, binigay mo na ang lahat. Na naibigay mo na ang sobra kahit hindi pa niya hinihingi ito.
Oo, pagod na 'kong bigla na lang matigilan sa gitna ng trabaho para lamang alalahanin ang sakit ng nasira niya'ng pangako. Ang mga salita niyang "Ikaw lang wala ng iba" na ngayon ay para bang isang sumpang matagal kong pinaniwalaan. Siguro nga'y kapag napatawad ko na siya, makakapag-isip na ako ng maayos. Gaya ng dati. Gaya nung una, noong mga panahong hindi pa ako takot sa salitang pag-ibig. Noong kaya ko pang tanggapin ang lahat ng walang pag-aalinlangan. Noong kaya ko pang mag-mahal ng wala ang mga katanungang; Hanggang kailan kaya ito? Kaya ko bang masaktang muli?
Oo, pagod na 'ko sa mga kanta'ng tila bang sinulat para sa kwento naming dalawa.
Yung bawat letra na parang sumasaksak sa dibdib ko, yung bawat pangungusap na tila bang bumubulong ng masasakit na sinabi niya, ng mga pait na naramdaman ko sa pag-iibigan naming ito. Mga ala-alang sa bawat himig ay muli kong nagugunita, kasabay ng mga kasawian ay bumabalik rin ang mga masasayang pinag-samahan. Lahat ay muli kong dinaramdam at hinihiling na sana'y muling matamasa. Gusto ko nang patawarin siya para naman sa susunod na marinig ko ang mga kantang iyon ay balewala na lamang sa akin. Na kayanin ko nang muling sabayan ang mga masasayang himig at letra.
Oo, pagod na 'kong paulit-ulit sambitin ang mga katagang: "Hanggang dito ba naman paghihintayin mo ako?" o "Buti pa dito may Forever" sa tuwing dadaan ako sa EDSA. Ayoko nang hilingin na sana pati siya hindi pa rin nakakalimot, na hindi pa rin sana siya maka-usad. Pero huli na, may bago na siya. Kaya ako ngayon yung naiwang mag-isa, nag-aabang, naghihintay. Hindi kasi siya nag-paalam, hindi niya sinabi kung bakit. Basta na lang nangyari, bigla na lang siya nawala ng walang pasabi. Gusto ko nang ibigay yung kalayaan na hinihingi niya. Gusto ko nang isama sa lahat ng usok at alikabok sa EDSA ang mga luha ko na nasayang para sa kanya. Na sa pag-usad ng daloy ng trapiko, sana kasabay na rin ang pag-usad sa lubak na kalsada ng buhay ko kasama siya.
Oo, pagod at puyat na puyat na 'kong unawain kung paanong nangyari'ng masaya na siya samantalang ako, heto, hirap na hirap at umiiyak pa rin. Heto ako'ng takot na takot na muling masaktan at hirap na hirap nang muling magtiwala. Paano nga bang yung taong pinaglaanan mo ng buong puso't kaluluwa mo'y bigla na lamang nawala sa'yo? Ano ba'ng mali? Ano nga ba'ng naging kulang? Kapag napatawad ko na siya, baka kayanin ko nang muling mag-tiwala. Mag baka-sakali at hayaan ang puso kong muling maging masaya.
Oo, pagod na 'kong bitbitin ang mga bagahe na ito ng mag-isa. Sawang-sawa na kong gumapang para lang patuloy na pasanin ang pinag-samahan naming dalawa. Hindi ko na 'to kaya'ng isalba pa. Gusto ko nang tanggapin na tapos na lahat, wala nang saysay upang magpakahirap pa ako sa pagdala ng mga bagahe'ng ito. Gusto ko nang palayain siya para maramdaman kong muli kung paanong tumakbo ng walang bigat na pinapasan. Kung paanong muling mag-lakad ng hindi inaalala na baka sa isang hakbang ako'y madapa. Gusto ko nang muling lumipad at maranasan ang tunay na saya.
Bibitawan ko na siya. Palalayain ko na ang lahat sa aming dalawa.
Alam ko na hindi magiging madali kalimutan lahat ng galit at pait na nagpabago sa buo kong pagkatao. Ang nagpaguho sa mundo ko at nagpasira ng pananaw ko sa buhay na ito. Patatawarin ko na siya dahil gusto ko na ring patawarin ang sarili ko. Mula sa lahat ng sakit na ininda ko para lamang sa pagmamahal ko sa kanya. Sa lahat ng hirap na binalewala ko mapasaya lamang siya. Lahat ng masasakit na salitang tinanggap ko wag niya lamang marinig ang sinasabi ng iba na hindi maganda. Patatawarin ko na siya upang mapatawad ko na ang sarili ko sa lahat ng bagay na aking ginawa para lang maging katulad ako ng iba. Binago ko ang lahat maging ang kung paanong mas gusto ko ang liwanag kesa sa dilim.
Handa na ako'ng mag-patawad. Palalayain ko na siya.
Hindi ko makakalimutan ang lahat. Mananatiling may pagmamahal para sa kanya dito sa aking isipan at puso, ngunit panahon na para ako'y umusad. Hindi ko na muling hahayaang bumalik ang lahat ng sakit. Sabay sa aking pag-usad ang pagtanaw sa maliwanag na daan na nagpapahiwatig na siya'y tuluyan nang magiging isang ala-ala na lamang.
Sobrang pagod ko na, patatawarin ko na siya.
Sana sa pagpapatawad ko sa kanya'y maunawaan ko na may mga tao na sadyang darating upang maging bahagi ng aking kwento, magsulat ng masasayang ala-ala at gumuhit ng mga masasakit na larawan upang ako'y matuto. Hindi man sila ang makakasama ko sa dulo ng istorya'ng ito, mapapaunawa naman nila sakin kung gaano kahalaga ang buhay ko. Para sa aking sarili at para sa mga taong nasa paligid ko. Pati na rin sa mga paparating na tauhan nito'ng aking kwento.
Patatawarin ko na siya. Palalayain ko na ang sarili ko.
Hahayaan ko nang Tadhana ang magpasya, maniniwala ako na mayroong nilaan sa akin ang Maykapal, isang taong nakatakda upang unti-unti at muli akong mabuo ng tunay na pagmamahal niya. Isang pag-ibig na hindi man gaya sa mala-telenobelang istorya ng iba ay tapat naman at sapat.
Patatawarin ko na siya. Lalaya na ako.
(My answer for Minsan Okay Lang Ma-traffic page's "Lumaya Ka Na")