Martes, Oktubre 18, 2016

7:56 PM 0

Mula Sa Prinsesang Nag-iisa


Oo, isa nga ako sa kanila
Mga taong nag-mahal, nasaktan pagkatapos ay nagtayo ng bakuran.
Ninais kong pangmataglang protektahan ang aking sarili
Nilayuan ko ang lahat ng maaaring makapanakit
Umiwas ako sa lahat ng posibilidad na maaring lumago't lumaki
Pinagtataguan ko ang mga pakiramdam na 'di ko na nais pang muling maranasan
Aaminin ko nang sa totoo'y ito lang ang tangi kong gustong maramdaman
Dahil gaya nga ng iyong sinabi, nais ko ring ako'y yakapin
Na ang emosyon ang pinakamagandang regalo sa tao
Na kahit madalas ito ma'y kalakip ang sakit,
Matapos ang aking pagpikit ay may kasiyahang kapalit.

Sabi mo'y hindi mali ang matakot
Na hindi mali ang mag-tayo ng kastilyo na malayo sa mga delubyo
Muli ay aaminin ko'ng matapos ang paglagay ko sa huling bloke
Ng paraisong itinayo ko para sa aking sarili...
Wala ako ni isang giyera'ng naipanalo.
Hindi ko nagawang lumayo sa bagyo.
Nakalimot ako na ang tadhana'y naglalakbay.
Tama ka, hindi ako nanalo noong pinilit ko'ng ilayo ang sarili ko.
Dahil ang pag-layo ay hindi pag-laban.
Na inakala ko mang naroon ang katapangan, bali-baliktarin man ang lahat,
Ang pag-takbo'y kaduwagan.



Kaya't heto na, ako'y muli nang sasama sa'yo
Bababa ako sa kastilyo kong itinayo
Upang makita ang mga ulap sa gitna ng ulan
Sasama ako'ng muli sayo'ng pag-lapit sa papalubog na araw
At aabutin natin ng sabay ang dulo nito, 'di na 'ko muling papasilaw
Hahawak ako sa iyong mga kamay habang tinatahak ang kalsadang tinakbuhan ko noon.
Kakapit ako sa'yo ng mahigpit habang nilalakbay ang tadhanang pilit ko'ng iniwasan.
Babalikan ang mga ala-alang pilit kong kinalimutan
Habang ika'y kayakap at kasabay sa bawat hapunan.
Yayakapin kong muli ang lahat ng sakit nitong kaakibat
Ako'y muling magtitiwalang 'di darating  ang araw na 'di na ikaw ang katabi sa pagmulat

Manonood tayo ng mga pelikula
Kahit 'wag na natin higitan sila Popoy at Basha,
Gumawa tayo ng bagong storya'ng tayong dalawa ang mismong bida.
Basahin natin ang lahat ng nais mong libro't lathala.
Sabay nating pagmasdan ang paglubog ng araw sa may dalampasigan,
Hanggang sa paglabas ng mga nagnining-ning na bituin at buwan.
At titingin lamang ako sa'yo, panonoorin kitang mamangha.
Wala nang ibang haharang, maging ulap man o ano pang takip sa kalangitan
Dahil ikaw na mismo ang sumangga at buong tapang na lumaban.
At sana nga, bago pa man mawala ang lahat ng mga ito ay makita ko...
Na wala sa taas ng kastilyo ang pag-ibig.


"Kahit 'wag na natin higitan sila Popoy at Basha,
Gumawa tayo ng bagong storya'ng tayong dalawa ang mismong bida."


Na ika'y nariyan lang na handa akong samahan,
Maging gaano man kahirap ang pagsubok na dumaan,
Hindi ka aalis at basta na lang akong muling iiwan.
Hindi na muli tayong dalawa'y hahantong sa hangganan
Salamat dahil ako'y iyong sinagip
Ika'y muli kong yayakapin, Pag-Ibig.



Muling magmamahal,
Prinsesang Nag-iisa.

(Photos from Gising MV - Autotelic) Inspired by "Sa Prinsesang Nag-iisa" written by Ink https://www.facebook.com/betsinarts/posts/509917045881717